MAY EKSTRANG KITA MULA SA DUMI NG ALAGA

Nakalalasong tubig, nasisirang kalupaan, at maruming hangin ang araw-araw na kinakaharap ng buong mundo sa ngayon. At sa iba’t-ibang anyo ng polusyon, mababakas ang unti-unting pagkasira ng ating inang kalikasan. Sa kasalukuyan ay nanganganib na ang supply ng malinis na tubig sa maraming lugar sa ating bansa maging ang mga pagkaing nagmumula sa ating mga sapa, ilog, lawa, at karagatan.

Naapektuhan na rin ang mga pananim na kung saan ang dating malinis na tubig na ipinandidilig sa mga gulay at iba pang halaman ay napalitan na ng mga nakalalasong kemikal na lubhang nakasasama sa kalusugan.

BIOGAS

Ang biogas ay nagmumula sa pagkabulok ng mga organikong bagay sa pamamagitan ng mga mikroorganismo. Binubuo ito ng methane at carbon dioxide na napoproseso sa isang lugar na walang oxygen o hangin. Kapag nabubulok ang dumi ng mga hayop, ito ay pinagmumulan ng methane na sadyang mapaminsala sa ating kapaligiran. Kaya naman ang paggamit ng biogas ay isang epektibong paraan upang mabawasan ang polusyon sa tubig, hangin, at lupa, at matugunan ang kakulangan ng enerhiya sa mga rural na lugar.

Katulad ng Liquid Petroleum Gas, ang biogas ay kulay asul kapag ito ay nasusunog. Ito ay walang amoy kahit pa nagmula ang gas sa dumi ng hayop. Maaaring gamitin ang gas na ito sa pagluluto, ilaw, at iba pa. Sa pangangalaga natin sa kalikasan at paggamit ng biogas, malinis na hangin at tubig ay maaari pang magisnan ng mga susunod pang henerasyon.

BIOGAS PROGRAM NG PHILSCAT

Layunin ng PhilSCAT Biogas Program na ipakilala ang isang biogas technology mula sa China para matugunan ang mga

problema dulot ng hindi maayos na pagtatapon ng dumi ng mga hayop sa kanayunan.

Noong Mayo 2014, pumili ang PhilSCAT mula sa mga interesadong backyard raisers sa Nueva Ecija upang tumanggap ng teknolohiyang biogas at isa na rito si Mary Grace Mostajo, 38, mula sa Sto. Domingo, Nueva Ecija. Dating sekretarya sa isang Law Office ngunit ngayon ay abala sa pangangalaga sa kanyang pamilya katuwang ng kanyang asawang si Reghis sa pangangasiwa naman ng kanilang babuyan na pangunahin nilang pinagkakakitaan.

Noon, ang mabahong amoy at pagtatapon ng dumi ng mga alagang baboy ang mga problemang karaniwan nilang kinahaharap sa araw-araw. Kaya naman ng malaman niya ang tungkol sa biogas program ng PhilSCAT ay dali-dali niyang ihinanda ang mga dokumento na kailangan ng center upang magqualify bilang cooperator.

“Sabi nila (PhilSCAT staff) kailangan lamang namin ng dumi mula sa 10 baboy para mapagana ang aming unit. Dahil mayroon kaming higit sa 10 baboy, ipinaayos namin ang kulungan ng mga baboy. Nagpagawa kami ng hiwalay na drainage para sa dumi ng 10 baboy lamang at ito ay nakadugtong diretso sa biogas inlet,” ani Mostajo.

Kumikita sila ng nasa 30,000 pesos kada buwan at nagbabago din depende sa dami ng biik na kanilang naipagbibili.

“Yung iba, iniisip nila baka sumabog daw, pero kami dahil naka-attend kami ng seminar, alam ko na hindi s’ya (biogas tank) sasabog. Nakakabawas pa tayo sa air pollution, at marami na din ang may gusto na magkaroon ng biogas dito sa amin dahil sa nakita nila ang pakinabang,” dagdag nito.

Para sa patuloy na suporta mula sa PhilSCAT, may talaan ang mga cooperators kung saan nilalagay nila ang mahahalagang impormasyon patungkol sa paggamit nila ng biogas sa araw-araw. Personal din na pumupunta ang nakatalaga sa proyekto upang i-monitor ang biogas units.

“Dati, nakakaperwisyo yung mabahong amoy lalo na sa mga kapitbahay, pero ngayon halos wala nang maamoy, yung dumi ay naging kapaki-pakinabang pa. Luto kami ng luto pero hindi na namin iniisip na gastos na naman dahil libre na ang gas namin,” masayang kwento ni Mary Grace.

MULA SA DUMI

“Ang lahat ng eksperimento na ginagawa ay may impact sa edukasyon ng tao, dahil nga kailangan ng mga tao na matuto upang magamit ito ng tama. Tulad ng biogas, mainam na natutunan na maari pala itong magamit sa pagluluto, ilaw, at syempre bilang organikong pataba,” saad ni Mostajo.

Noon daw ay hindi naman nila prayoridad ang pagbebenta ng organikong pataba dahil hindi naman nila alam kung saan ito ipagbibili. Ngunit dahil sa patok ang organikong pagsasaka sa ngayon ay nagkaroon siya ng mga mamimili at ito ay nakatulong sa kanila.

“Kinokolekta nila ang mga sludge mula sa discharge pipe at ibinibilad upang matuyo. Kadalasan tumatagal ng tatlong araw ang pagpapatuyo. Binebenta namin sa halagang 150 pesos kada sako, at dapat kung bibili ka may dala kang sariling sako. ‘Yung pinagkakakitaan, napupunta na

‘yun sa mga trabahador namin,” kwento ni Rhegis.

“Dati naghuhukay pa kami para maibaon yung mga dumi. Simula 2014 napapakinabangan na naming ang organikong pataba. Sa bukid napansin ko na mas maganda ang bulas ng sibuyas. Dati pineste ang mga pananim ng Sto. Domingo ng mga uod, pero ‘nung ginamitan namin ng organic fertilizer galing sa biogas, hindi masyadong nasira, hindi tulad ng iba na ang gamit ay artipisyal na pataba,” dagdag pa ni Rhegis.

Sa ating bansa ay agrikultura ang karaniwang pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga tao,

ang paggamit ng organikong pataba ay isang paraan upang makatipid at magkaroon ng mas masustansya at ligtas na pagkaing maihahain sa hapag kainan ng bawat pamilyang Pilipino.

Habang lahat ng tao ay nakatutok sa mga makabagong teknolohiya, wag nating kalimutan na ang ating kalusugan pa rin ang mas mahalaga. Ang paggamit at pagkain ng mga organikong produkto ay napakapraktikal na gawain hindi lamang upang maging malusog kundi upang makatulong din sa nagiisang planeta kung saan tayo namumuhay

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s