Naudlot na pangarap, SA PAGSASAKA NATUPAD

Sa dami ng tao sa mundo, iilan na lamang ang nangangarap na maging isang magsasaka, kabilang dito si Ceferiano I. Sevilla, 60, mula sa Castellano, San Leonardo, Nueva Ecija. Sa kabila ng kanyang edad ay tinupad pa rin niya ang naudlot na pangarap na maging isang magsasaka.

SIMULA PAGKABATA

Namulat sa kahirapan si Ceferiano o Tatay Piring kung tawagin ng kanyang mga kabaryo. Bata pa lamang siya ay nakikita na niya ang hirap ng kanyang ama sa pagsasaka ng kanilang bukid sa San Vicente, Jaen, Nueva Ecija. Ngunit hindi ito naging hadlang upang talikuran niya ang pagsasaka.

“Noong maliit pa ako, sumasama na akong mamunla sa bukid. Ang tatay ko ay mag-isang gumagawa at nag-aararo gamit ang aming kalabaw dahil noong araw hindi naman uso ang may kasama sa bukid,” kwento ni Tatay Piring.

Ayon sa kanya, habang naglalako ng bukayo o minatamis na niyog na nakabalot sa dahon ng saging sa umaga ay bitbit na niya ang pagkain ng kanyang ama bago tumungo sa bukid. Sa murang edad at

bilang panganay sa anim na magkakapatid, ito ang kanyang nakamulatang gawain upang makatulong sa kanyang pamilya.

“Gustong gusto ko mag-aral noon, pero sabi ng tatay ko, pasensya ka na, kung uutangin ko lang pag-aaral mo, hindi ko kaya. Wala na akong nagawa kundi tanggapin na lamang ang aking kinahinatnan kahit naiinggit ako sa ibang kabataan na pumapasok sa eskwela. Noong ako’y 13 anyos na, natuto na akong mamasada ng traysikel upang kumita kahit kaunti,” salaysay pa niya.

BUKOD SA PAGSASAKA Noong magkaroon ng sariling pamilya ay naisipan niyang mangibang bansa. Sa edad na 25 ay naging isang Overseas Filipino Worker o OFW sa bansang Saudi sa loob ng anim na taon. Nang may sapat na ipon na, ay nakapagpundar ng isang maliit na bahay at panaderya sa kanilang lugar sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Ngunit sa dalawang taong pagpapahinga galing Saudi ay naubos ang kanyang ipon at naantala ang pagsisimula ng kanyang bubuksang negosyo. Kaya naman binilinan siyang simulan na panaderya. Ayon kay Tatay Piring, taong 1988 nang nagsimula ang operasyon ng

kanyang panaderya.

“Hindi ako marunong magmasa ng tinapay, pero dumalo ako ng maraming pagsasanay patungkol sa baking. Alam kong magturo pero hindi ako ang mismong nag-mamasa. Ako lamang ang taga-tikim nila ng tinapay dito,” magiliw niyang lahad.

Magpasahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang operasyon ng kanyang panaderya. Dahil sa kanyang pagsisikap, napalago niya ito at napagtapos ng kolehiyo ang kanyang apat na anak, nakabili ng bukid, at nakapagpagawa ng mas komportableng bahay para sa pamilya.

Hindi maitatanggi ang hilig niya sa pagtitinapay dahilan upang maitaguyod ang sariling pamilya sa kahirapan, ngunit naniniwala siyang hindi ito ang kanyang tadhana o kapalaran.

Ayon sa kanya, kung labis ang pagmamahal niya sa paggawa ng tinapay disin sana’y noon pa man ay natutunan na niya ang aktuwal na paggawa ng tinapay.

Ito ang isang dahilan kung bakit sa kabila ng kanyang edad ay patuloy niyang tinutupad ang kanyang naudlot na pangarapang pagsasaka.

Para kay Tatay Piring, sideline lamang niyang maituturing ang pagbubukid dahil ang panaderya pa rin ang kanilang pangunahing hanap-buhay sa loob ng 30 taon.

Ayon sa kanya, nagsimulang pumukaw sa kanyang interes ang hilig sa pagbubukid nang may nagsanla sa kanya ng isang hektaryang bukirin sa San Isidro, Nueva Ecija. Magmula noon ay hindi na niya tinigilan ang pagsasaka.

Mahilig din siyang dumalo sa mga pagsasanay na may kinalaman sa pagsasaka, kaya naman hindi nawaglit sa kanya ang pinangarap na gawain.

“Nasa elementarya pa lamang ako, mahilig na akong magsaka. 100 nga ang marka ko ‘dun at nararamdaman ko na ito talaga ang destiny ko, ang pagsasaka. Matagal na rin akong marunong kumuha ng soil sample . Basta may paseminar , dinadaluhan kong talaga,” aniya.

Sa ngayon, isa siya sa mga board member ng San Leonardo Agricultural MultiPurpose Cooperative at NievesCastellano Agricultural and Irrigators’ Association. Kasapi rin siya ng Neighborhood Association of Castellano kung saan nasa 430 pamilya na ang natatalang kasapi nito.

Layunin ng mga samahang ito na matugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka sa kanilang lugar lalung-lalo na sa patubig na hindi naabot ng irigasyon.

Isa din siyang Modern Farmer Technician (MFT) o mas kilala

noon bilang Local Farmer Technician . Kasama ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Region 3 at Provincial Agriculture’s Office ng Nueva Ecija, nagsasagawa sila ng mga technology demonstration sa bukid ni Tatay Piring simula pa noong 2014.

PAGSABAY SA MEKANISASYON

Bilang isang MFT, siya ay kasama ng DA-RFO 3, sa

panukala nitong paggamit ng mga makinarya upang mas mapataas pa ang ani ng mga magsasaka.

Kaya naman noong 2015, isang de-makinang pangtanim o walk behind mechanical rice transplanter kasama ng 270 seedling trays ang inilipat sa pangangalaga at ni Tatay Piring at kasamahang MFT mula sa isang kooperatiba sa Zaragoza, Nueva Ecija upang mas mapakinabangan sa kanilang lugar.

“Nasubukan na namin ito noong panahon ng tag-ulan at tag-init ngunit hanggang techno-demo lamang. Ang trabaho namin ay tulungan ang kapwa namin magsasaka, kapag nakumpleto na ang kagamitan namin para sa aming mga makinaryang pambukid, saka pa lang kami tatanggap ng mga custom services ,” pagsasaad niya sa kanilang mga plano.

MULA YOUTUBE HANGGANG PHILSCAT

Dahil sa talamak na paggamit ng internet , aminado si Tatay Piring na sa isang sikat na website na kung tawagin ay youtube siya naghahanap ng iba’t-ibang pamamaraan ng pagpupunla gamit ang de-makinang pantanim bago siya naimbitahan ng isang kawani ng DA-RFO 3 upang dumalo sa pagsasanay patungkol sa tamang pamamaraan at paggamit nito.

Ito ay pinamagatang ‘ Basic Operation and Maintenance of Selected Farm Machineries of Farm Service Providers in Region 3 Focus on Mechanical Rice Transplanter and Doublemulching Technique’ na kung saan ang teknolohiya ng Philippine Sino Center and Agricultural Technology o PhilSCAT ang siyang pangunahing tampok sa pagsasanay. Siya ay nakabilang sa ika-apat na batch ng pagsasanay na isinagawa sa Muñoz, Nueva Ecija noong ika 2-3 ng Mayo taong 2017.

“Doon ngayon ako nagkaroon

ng ideya na may pag-asa pa pala sa pagsasaka. May nagtuturo na ngayon. Noon, gagayahin mo lang ang mga nakikita mo sa mga kapwa mo magsasaka. Nagsabog siya ng ganito, bibili ka din at gagayahin mo. Pero hindi naman pala ganun lang, may natatangi palang pangangailangan ang lupa,” aniya.

“May ideya na kami noon pa man, kaya naisip namin na mas linangin ang pamamaraan ng pamumunla na naaayon sa aming lugar at kung alin ang mas madaling gamitin para sa amin. Pinagsama-samang mga ideya mula sa youtube at mga pamamaraan mula sa training,” ani Tatay Piring.

Sa kanilang pagpupunla ay dinadala nila sa bukid ang plastic mulch na pangunahing kagamitan sa pagpupunla para sa de-makinang pantanim, balak na bastidor o frame na may sukat 38cm x 74cm at kapal na ¼ pulgada, tabo, organic soil , binhi, paleta, riles ng seeder na gawa sa 2x2cm na kahoy, seeder , at kugon. Aararuhin muna nila ang bukid at kung pantay na ang pagkakalebel nito ay maaari na silang magsimula sa pagpupunla.

Kinakailangan din na pantay ang pagkakalebel ng lupa bago ito lapatan ng plastic mulch at patungan ng frame. Kailangan din haluing mabuti ang ilalagay na organic soil sa punlaan gamit ang tabo bago ipatong ang frame sa mga gilid nito.

Ang paleta ay kanilang ginagamit upang pantayin ang nailagay na lupa sa frame at masigurong walang matitigas

na lupang naihalo. Gumagamit din sila ng seeder na may riles na siyang nakalapat sa gilid ng frame upang maikalat ng maayos ang mga binhi.

“Ang gusto ko talaga ay mechanized na, kase dito sa barangay namin ay halos wala ng manananim. Naghahanap na lang kami sa ibang lugar, minsan malayo at may kamahalan ang upa. Nais namin na untiunting, makita ng mga tao ang ginagawa namin para kahit tagulan man ay transplanter na ang gagamitin,” ani Tatay Piring.

Bilang isang MFT ay nagsasagawa si Tatay Piring ngayon ng participatory technology demonstration na kung saan tampok sa kanilang techno-demo ang kanilang sariling pamamaraan ng pagpupunla mula sa mga natutunan sa youtube at mga turo sa PhilSCAT na kanilang mas pinainam at iniangkop ayon sa kanilang pangangailangan sa kanilang lugar.

“Sa aking palagay, maaari na akong magretiro, kaya naman nag-aalok ako ng mga libreng serbisyo gamit ang aking mga makina. Ang goal ko na lang ay kung paano makatutulong at mas mapa-aangat ang pamumuhay at gawi ng aking kapwa magsasaka,” aniya.

Tunay nga namang hindi hadlang ang edad upang tuparin ang mga pangarap lalo na kung ito ay para sa ikabubuti ng iyong kapwa. Isa si Tatay Piring na patotoo na sa kabila ng paminsan-minsang pananakit ng kasu-kasuan dala ng katandaan, ay may tikas at sigla pa rin pagdating sa pagsasaka.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s