Mainam na combo sa pagsasaka

Upang mabuhay, makaraos at matustusan ang pangaraw-araw na gastusin at pangangailangan, ang isang Pilipinong magsasaka ay palaging inaasam ang tone-toneladang ani tuwing panahon ng anihan.

Hindi lamang sipag, tiyaga at sakripisyo ang kakailanganing sandata sapagkat ang paggamit ng mga pinakamahuhusay na mga paraan sa pagsasaka at tamang kaalaman sa pagpili ng isang hibridong palay ay kailangan ding matutunan at bigyang pansin.

Paghanga

Noong Nobyembre 2014, si Oliver Arquero, isang magsasakang tubong Victoria, Tarlac at mas kilala bilang ‘Mang Abel’ ay nagtungo sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija gamit lamang ang kanyang kuliglig upang bumili ng limang sako ng Mestiso 38 (M38) sa PhilSCAT.

Aniya, nahikayat siya na subukan ang M38 simula ng makita niya ang magandang kalidad nito nang ganapin ang isang Farmers’ Field Day noong Oktubre taong 2014 sa bukid ni Henry Reganit, isang magsasakang nagtatanim ng hibridong palay.

Sa nasabing programa, ibinahagi ni Reganit ang magandang karanasan nito sa pagtatanim ng M38. Ang kakayahan nitong mamuno, magsuwi at magbunga, pati narin ang mga katangiang taglay nito laban sa mga peste at sakit ang pumukaw sa interes ni Mang Abel upang subukan ang nasabing barayti.

Gamit ang pinakamahusay na kasanayan at  tamang kaalaman sa pagsasaka, si Mang Abel ay umani ng 980 kaban ng M38 na tumitimbang ng 65 kilo kada sako mula sa kanyang 5.5 ektaryang-sakahan o katumbas ng 11.58 tonelada kada ektarya na halos mas mataas kumpara sa walong toneladang inani niya noong nakaraang sakahan bago subukan ang M38.

“Sa aking karanasan, mas mataas umani itong M38 kumpara sa mga nasubukan ko ng ibang barayti ng palay, kaya naman masaya ako sa aking inani na 980 kaban,” masayang pagbabahagi ni Mang Abel.

“Hindi ako nagkamali na subukan ang M38. Nang aking bilangin ang mga inuhay nito, halos 60 inuhay ang bilang ko. Talaga namang napakalakas mamuno ng M38,” dagdag pa niya.

Sa isang panayam, masayang ibinahagi ni Mang Abel ang kanyang mga natatanging gawain sa bukid katulad ng maayos na pagpapantay ng kanyang lupang sakahan, paglilipat tanim na umaabot lamang ng 20-22 gulang ng palay matapos ang pagpupunla, paglalagay ng pataba o abono pito hanggang 12 araw matapos ang paglilipat tanim at pagpapanatili ng taas ng tubig sa dalawa hanggang tatlong sentimetro labinlimang araw bago anihin ang mga palay.

Wika ni Mang Abel, ang lasa at kalidad ng M38 kapag ito ay naisaing na ay katangi-tangi. Para sa kanya, dekalidad itong bigas dahil ang M38 ay masarap, malambot, at mabango kumpara sa ibang natikmang bigas sa merkado.

Sariling pormula

Si Antonio Gatdula, isang magsasaka mula naman sa Llanera, Nueva Ecija ay nagbahagi din ng kanyang mga natatanging kuwento patungkol sa kanyang pamamahala ng M38 na barayti.

Aniya, lagi siyang nag-iisip sa kung paano mas mapapataas ang kanyang ani. Hilig niyang magsaliksik upang mas mapalawak pa ang kanyang kaalaman sa mga pinakabagong mga kasanayan sa pagsasaka. Dahil dito ay nabuo niya ang kanyang sariling pormula sa pagsasaka.

Para kay Gatdula, mas mainam ang sabog-tanim kumpara sa lipat-tanim na karaniwang ginagawa ng mga magsasaka ng hibridong palay. Ipinaliwanag niya, batay sa kanyang sariling karanasan na mas nakatitipid siya ng Php5,500 bawat ektarya.

Noong nakaraang taniman, gumamit si Gatdula ng 25 kilong binhi ng M38 kada ektarya para sa sabog-tanim kung saan umani siya ng 200 kaban ng palay kada ektarya na katumbas ng 11.4 tonelada bawat ektarya. Aniya, ito ang kanyang pinakamataas na ani sa kasalukuyan.

“Dapat malaman mo ang tamang pangangailangan ng iyong palay bago maglagay ng abono o pataba,” pagbabahagi ni Gatdula para sa tumpak na tiyempo sa paglalagay ng abono na nakatulong sa kanya upang maabot ang kanyang pangarap na ani.

Sa kanyang sariling sakahan, siya ay hindi na gumagamit pa ng abonong urea. Sa halip, gumagamit siya ng ammonium sulfate (21-0-0), muriate of potash (0-0-60), ammonium phosphate (16-20-0), triazone nitrogen (25-0-0) at compound fertilizer complex (15-15-15).

Ang kanyang karanasan sa pagtatanim ng M38 ay sumasalamin sa kanyang paniniwala na ang paggasta ng maliit ngunit pag-ani ng higit dahil gumugol lamang siya ng maliit na kapital sa pamamahala nito at umani naman ng higit sa kanyang inaasahan.

‘Rice whisperer’

Samantala, sa Licab, Nueva Ecija ang tinaguriang ‘rice whisperer’ na si Domingo Parungao  na mas kilala bilang ‘Mang Domeng’ ay nagbahagi din patungkol sa paggamit niya ng M38.

Aniya, ang M38 ay may taglay na katangian at mataas ang kakayahan sa pagsusuwi, matibay laban sa pesta at ibang sakit ng palay, mataas umani, at maganda ang kalidad ng bigas.

Si Mang Domeng ay umani ng may kabuuang 500 sako ng M38 sa kanyang tatlong ektaryang sakahan na may timbang na 54 kilo kada sako o katumbas ng siyam na tonelada kada ektarya.

Taong 2013, gumamit din ng M38 si Mang Domeng at ayon sa kanyang talaan, siya naman ay naka-ani ng 480 sako sa kanyang 2.5 ektaryang sakahan.

Kumpara sa mga naunang magsasaka ay kakaiba ang nakasanayan ni Mang Domeng pagdating sa pangangalaga at pamamahala ng kanyang palay. Karaniwan na makikita siya na nakaupo sa gilid ng kanyang bukid at tila kinakausap ang mga tanim nito na animo tao. Binubulungan aniya ang mga ito ng mga matatamis na salita upang mas gumanda ang tubo.

Tila katawa-tawa man sa paningin ng iba, para kay Mang Domeng ang gawaing ito ay subok na at epektibo at hinding-hindi siya mapapagod na kausapin ang kanyang mga tanim na palay sapagkat sa tuwing ginagawa niya ang kanyang nakasanayan tila hindi siya nakakaramdan ng ano mang pagod sa katawan. Jessa Rarama at Ramil R. Carbonel

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s