Tagumpay sa produksyon ng hibridong palay

Sa larangan ng agrikultura, isang magandang pagkakitaan ang pagpoprodyus ng hybrid rice. Ngunit kaakibat ng teknolohiyang ito ay ang malaking puhunan kumpara sa konbensyonal na pagtatanim ng palay.

Sa pagpasok sa ganitong uri ng hanap buhay ay kailangang bukas ang isipan sa mga maaaring mangyari, negatibo man o positibo. Hindi maaaring ang magandang oportunidad lamang ang ating tingnan dahil hindi birong halaga ang kinakailangan sa ganitong uri ng teknolohiya.

Sa kanyang kahiligan sa pagsasaka na sinamahan ng lakas ng loob ay nakapagdesisyon si Balbino A. Alingalan, 64, na sumubok sa larangan ng hybrid rice seed production.

Bago pa man maipakilala ang hybrid rice noong 1998 ay matagal nang nagpoprodyus ng binhing inbred si Alingalan. Siya ang kasalukuyang chairman ng Davao Seed Producers Cooperative (DOSEPCO) na matatagpuan sa Banaybanay, Davao Oriental kung saan naroon ang pinakamalaking produksyon ng hybrid rice ng ilang mga pribadong kompanya katulad ng SL Agritech at Longping HighTech.

Bago pasukin ang larangan ng agrikultura ay naging underwriter siya ng isang insurance company habang isang myembro din ng kooperatiba matapos niyang magtapos ng Industrial Arts sa kursong edukasyon sa Davao School of Arts and Trades.

TIBAY AT LAKAS NG LOOB

Isa si Alingalan sa mga unang sumubok na magtanim ng binhi ng hibridong palay noong 1998. Sa dalawang beses na pagpoprodyus ng binhi nito ay 20 kilo lamang ang kanyang inani mula sa kalahating ektaryang tinaniman  ng Mestizo 1, ngunit nanatili siyang desidido dahil sa kanyang paniniwala na mababawi rin niya ang kanyang mga nalugi.

“Hindi ako tumigil, kung titigil ako ay paano ko pa mababawi ang nalugi ko? Kaya naman nagpatuloy ako,” kwento ni Alingalan.

Sa kanyang pangatlong beses na pagsubok, umani siya ng 500 kilo ng F1 sa isang ektarya kaya naman nahikayat siyang magtanim pa sa anim na ektaryang bukid kung saan umani siya ng 1.2 toneladang F1 dahilan para mapanalunan niya ang unang gantimpala sa Hybrid Rice Program ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice).

Subalit noong panag-ulan ng 2007 ay natapos na ang subsidiya ng gobyerno para sa produksyon ng hybrid rice. Marami sa mga binhi ang hindi nabili at sa katagalan ng pagkakaimbak, ito ay nasira at naging dahilan para malugi ang kooperatiba ng mahigit 40 milyong piso.

Dahil sa pagkadismaya, maraming miyembro ng DOSEPCO ang nagdesisyong umalis sa kooperatiba at pagtuunan na lamang ng pansin ang kani-kanilang bukid, ngunit hindi pa rin natinag si Alingalan sa kanyang paniniwala na magtatagumpay sila sa larangan ng hybrid rice.

“Matapos ang lahat ng pinagdaanan namin ay natuto kami at mas humusay pa. Dati hindi namin alam kung paano ang proseso dahil ang ibinigay na protocol sa amin ay angkop para sa Luzon at hindi sa aming lugar. Kaya naman kinailangan naming mag-adjust sa loob ng tatlong sakahan,” paliwanag ni Alingalan.

Kasunod nito ay nag-isip sila ng mga istratehiya kung paano makikipagsabayan sa kompetisyon sa pagitan ng iba’t-ibang kompanya ng hybrid.

Hinamon niya ang bawat miyembro ng kooperatiba na gawin ang lahat upang sumabay sa malalaking kompanyang nagpoprodyus ng binhi ng hybrid rice at kung hindi man nila kayanin na makipagsabayan ay dapat na lagi nilang gawin ang kanilang makakaya upang makapaghatid ng de-kalidad na binhi sa mga magsasaka.

Kasabay nito ay nilibot ni Alingalan ang iba’t-ibang lugar sa Pilipinas bilang isang istratehiya. Sa kanyang pagpunta sa bawat lugar ay personal niyang ipinakilala ang kanilang produkto. Dahil din dito ay nagkaroon siya ng iba’t-ibang ideya para mas maging de-kalidad at maganda ang sako na kanilang ginagamit.

Halos lahat ng kanyang nakilala sa pag-iikot sa buong bansa ay binigyan niya ng numero ng kanyang telepono. Umasa siyang isa sa kanila ay tatawag upang bumili ng kanilang produkto at hindi nga siya nabigo. Bukod dito ay nalaman din niya ang mga kinakailangang binhi ng iba’t-ibang lugar at nakakakuha siya ng mga impormasyon mula mismo sa mga bumili ng binhi ukol sa mga nangyayari sa bawat yugto ng paglaki nito. Ang mga bagong barayti ng F1 naman ay personal niyang pinapasubukan ng walang bayad para sa mga adaptation trials.

Hindi naman sila napahiya dahil sinisigurado nila na de-kalidad ang kanilang produkto kung kaya’t naging matunog ang pangalan ng DOSEPCO sa industriya ng pagpoprodyus ng hibridong binhi.

Kitang-kita sa laki ng benta ng kooperatiba ang resulta ng pagsusumikap ng bawat miyembro nito. At nitong dayatan ng 2016 ay 12,000 sako ng binhi ng hibridong palay na nagkakahalaga ng 30 milyong piso ang kinailangan nila para matugunan ang pangangailangan ng mga magsasakang kumukuha sa kanila ng binhi mula sa Rehiyon 6, 9, 10, 11, 12 at ilang bahagi ng Pangasinan.

Ayon kay Alingalan, noon ay tatlong ektaryang lupa lamang ang kanyang sinasaka. Ginamit niya ito para sa produksyon ng hibridong binhi. Ang bunga ng kanyang natatanging dedikasyon ay tinatamasa niya at ng kanyang pamilya hanggang ngayon.

Nakapagpatayo siya ng kanyang sariling bahay, nakabili ng mga mamahaling sasakyan, mga makinarya para sa kanyang pagbubukid, at napag-aral din niya ang kanyang pitong anak sa mga primyadong eskwelahan.

Sinigurado niyang 10% ng kinikita ng kooperatiba ay napupunta sa pondo para sa mga pagsasanay na may kinalaman sa produkyon ng hybrid rice. Kaya naman nahihikayat ang mga batang miyembro na sumali sa mga pagsasanay.

Bagong Samahan

“Sana ang magandang nasimulan ng DOSEPCO ay matapos ng maayos,” saad ni Alingalan kaugnay ng bagong kooperasyon sa pagitan ng kooperatiba at PhilSCAT.

Malaki ang potensyal na nakita niya sa Mestiso 38 (M38) kaya naman nagdesisyon sila na maglaan ng 30 ektaryang bukid para sa produksyon ng M38.

“Sinubukan ko ang M38 noong tag-araw ng 2015, at nakakuha ako ng average yield na 2.1 tonelada sa 2,000 metro kwadrado bukid at masaya ako sa naging resulta,” lahad ni Alingalan.

TAMANG AKSYON AT TAMANG PANANAW

Sa pananaw ni Alingalan, upang maging matagumpay ang kooperasyon, dapat ang dalawang panig ay may tamang aksyon at disiplina sa pagsunod sa mga dapat gawin kaugnay ng produksyon ng hibridong binhi.

“Ang mahalaga ay ang kakayahan mo bilang isang magsasaka, walang problema kung mabibigo ka muna ng ilang beses dahil sa kabiguan ka matututo at dapat ay ituloy mo lang at huwag kang mapapagod,” pagwawakas ni Alingalan. Jessa M. Rarama

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s