Kampeon sa pagsasaka

Kahit sa murang edad, hindi kailanman nakita ni Engr. Romeo S. Vasquez, 53, ang kanyang sarili sa larangan ng pagsasaka. Ngunit kapalaran na ang nagdala sa kanya sa propesyong ito dahil hindi kailanman niya inakala na siya’y magiging isa sa pinakamatagumpay na entreprenyur sa larangan ng agrikultura.

Salat man sa karangyaan at ang ama’y isa lamang kasama sa bukid, mas pinagtuunan ni Vazquez na makapagtapos ng pag-aaral upang makapaghanap ng mas magandang trabaho malayo sa pagbubungkal ng lupa.

Nang makatungtong sa kolehiyo, nagawa niyang pagsabayin ang pag-aaral habang kalimitang tumatanggap ng typing jobs upang pandagdag gastusin sa eskwela at pambayad sa matrikula. Dahil nga sa pagsisikap, nakapagtapos siya ng Agricultural Engineering sa Central Luzon State University (CLSU) at doon nagsimulang tulungan ang iba pang mga kapatid upang makapagtapos ng pag-aaral.

Pagbabaliktanaw

Noong 1985, si Engr. Vasquez ay na-diagnosed na may sakit na kanser sanhi upang putulin ang kanyang kaliwang binti ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa. Kaya naman noong 1991, ibinalita ng kanyang doktor na siya’y napagtagumpayang labanan ang sakit at ligtas na sa iniindang karamdaman.

Hindi naging hadlang ang kanyang artificial leg, upang magpatuloy sa pagtatrabaho bilang ahente sa isang kumpanya ng mga pataba. Nagsimulang mag-ipon si Vasquez mula sa mga natatanggap niyang insentibo at bonus upang magamit sa pagbili ng mga lupang sakahan sa San Mateo, Isabela kung saan siya ngayon naninirahan kasama ng kanyang pamilya.

Nang magsara ang kumpanyang pinapasukan, siya’y bumalik sa Isabela para magsaka.

Nakapagpundar na siya noon ng isang ektarya kasama ng dalawa pang ektaryang isinanla sa kanya. Doon niya sinimulang pagpursigihin ang pagsasaka habang namamasada ng pampasaherong dyip sa kanilang lugar tuwing walang gawain sa bukid.

Subalit di naglaon, nabatid ni Vasquez na hindi sasapat ang kanyang kinikita kung nanaisin niyang mabigyan ng mas magandang buhay at de-kalidad na edukasyon ang mga anak.

“Hindi malaki ang ani, halos 80 kaban kada ektarya lamang ang ani, hindi talaga kayang matugunan ang pangangailangan ng aming pamilya sa mga panahon na iyon,” sabi ni Vasquez.

Pagsasaka bilang propesyon

Ang kanyang limang taong gulang na anak noon ang nagpamulat kay Vasquez na gawing propesyon ang pagsasaka nang may dignidad at pagmamalaki.

Sa isang okasyon nasabi ng kanyang anak, “Kung wala ang tatay kong magsasaka, meron ka bang makakain kahit mayaman kayo?”

Kaya naman, sinimulan niyang dumalo sa mga seminar at mga programang pang-agrikultura ng Agricultural Training Institute (ATI) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice) upang maging sapat ang kaalaman sa pagsasaka.

Bilang resulta, ang kanyang ani ay nadagdagan. Sinusuri niyang mabuti ang kanyang talaan sa bukid upang malaman kung paano mababawasan ang gastusin.

Naisipan niyang magprodyus ng sariling binhi hindi lamang upang mabawasan ang gastos sa pagbili ng binhi kundi upang ipagbili na rin ito pandagdag kita. Kaya naman, siya ay dumalo sa isang training program sa PhilRice, Isabela para sa pagpoprodyus ng binhi.

Dito niya nalaman na 40 kilo lamang ng binhi ang kailangan sa pagtatanim ng palay kada ektarya. “Dati gumagamit ako ng 150 kg ng binhi sa isang ektarya, nang dahil sa training napag-alaman kong 40 kg lang sapat na isang ektarya,” wika niya.

Naipagbibili din niya ang kanyang mga prodyus na binhi sa mas mataas na halaga kumpara sa mga binhing inbred na nabibili sa merkado.

Noong 1995, muli niyang binuksan ang RS Vasquez Enterprises kung saan una niyang itinatag noong 1990 at sinimulang muli ang operasyon sa pagpoprodyus ng binhi, rice milling, pagbebenta ng bigas at iba pang kaugnay na mga negosyo.

Dahil sa taglay niyang tiyaga at dedikasyon sa produksyon at pangangalakal ng bigas, siya ay itinalaga ng dating kalihim ng pagsasaka Luis Lorenzo bilang pambansang kasangguni sa pagsulong ng hibridong palay.

Kampeon sa ‘farm mechanization’

Ang kanyang anak na si Arjay, 24, ang naghimok sa kaniya upang bumili ng makinang pantanim. May pag-aalinlangan man sa una, sinubukan niya ito at agad nakita ang resulta sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang ani ng 20 kaban kada ektarya.

Subalit ang kanyang pangamba sa pagbili ng mga de-makinang pantanim ay ang kaisipang maraming magsasaka ang mawawalan ng hanap-buhay. Ngunit sa iilang pagkakataon na naranasan niya ang kahirapan ng paghahanap ng mga manananim sa tuwing kasagsagan ng taniman ng palay ay wala din siyang ibang pagpipilian kundi ang lumipat sa makinarya.

“Noong unang ipakilala sa amin ang farm mechanization, nagkaroon din kami ng mga problema at sakit ng ulo. Bagamat bago sa amin, di naglaon ay nasanay din kami,” amin ni Vasquez.

Sa katunayan, sa tulong ng kanyang anak na lalaki, nakagawa siya ng mga makabagong ideya at nakabuo ng sariling makina upang mas mapainam ito.

Kabilang dito ay ang isang 4×4 water pump na may 36 horse power (hp), trailing harrow na may 35 to 60 hp, rotavator, cage roller, levee shaver, customized soil pulvurizer, mga metal flat forms para sa tray at trailer para sa paglilipat ng mga binhi.

Para sa paghahanda ng punlaan, ang kanyang bodega ay nagsisilbing multi-purpose pavement na kayang maglatag ng libu-libong mga trays bilang punlaan tuwing panahon ng taniman at nagsisilbing bilaran ng palay tuwing panahon ng anihan.

Sa kasalukuyan, si Vasquez ay may limang walk-behind transplanter, isang rice combine at dalawang unit ng four-wheel drive tractor na ginagamit sa kanilang 33-ektaryang sakahan.

Hinihikayat niya rin ang iba pang magsasaka upang mamuhunan sa pagbili ng mga de-makinang pantanim. Ito ay maaaring karagdagang gastos sa kanila sa halagang Php300,000 ngunit ang haba ng buhay ng makina ay sapat na para kumita ng higit pa sa inilabas na puhunan.

Bukod sa pagkabawas ng pagkalugi mula sa paggamit ng makina, ito rin ay nangangahulugang dagdag ani dahil sa maagap na operasyon, kalidad ng pagtatanim at mas mahusay na paggamit ng mga inputs kumpara sa manwal na operasyon.

Ang mechanical transplanter ay kayang magtanim ng isa’t kalahating ektarya sa isang araw at maaaring gamitin sa 15 hanggang 20 ektarya sa panahon ng taniman. Ayon sa pananaliksik, maaaring  mabawi ang iyong puhunan pagkatapos ng tatlong sakahan.

Ngayon, ang RSV Enterprises ay patuloy na nagbibigay ng mga serbisyo mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa paggigiling ng bigas sa mahigit na isandaang ektaryang sakahan sa Isabela.

Dahil sa kanyang makabagong pamamaraan ng pagsasaka, siya ay lumikha ng sariling pangalan sa kanyang larangan. Madalas siyang anyayahan bilang tagapag-salita sa mga programang pang-mekanisasyon ng Philippine Center for Postharvest at Mechanization (PHilMech) at Department of Agrarian Reform (DAR).

Sa tulong ng kanyang mga kontribusyon, natatanging dedikasyon sa agrikultura at malasakit sa kapwa magsasaka, sari-saring parangal mula sa iba’t-ibang ahensya at organisasyon ang kanyang nakamit.

Ang pinakabago ay ang DA Regional Gawad Saka Award para sa natatanging Agri-Entrepreneur noong 2014 at Agri-Entreprenuer Gold Award bilang Natatanging Magsasaka sa Pilipinas (TOFARM) noong 2013. Ang RSV Enterprises ay nagkamit naman ng National Gawad Saka Award hatid ng Landbank of the Philippines para sa mga maliliit na namumuhunan sa Luzon noong 2014.

Sa kabila ng mga papuri, hindi kailanman niya nalimutang lumingon sa pinanggalingan. Malugod niyang tinutulungan ang mga matatanda at mga bata sa kanilang lugar tuwing kapaskuhan. 

Mga Sikreto sa kabila ng tagumpay

Para kay Vasquez, diversification ang susi sa matagumpay na pagsasaka. “Huwag tayong makuntento sa iisang kalakal lamang. Kailangan nating mag-isip ng iba pang pagkakakitaan bukod sa tradisyunal na pagsasaka,” bahagi niya.

Kalahati sa 33-ektaryang sakahan na kanyang pag-aari ay tinataniman ng palay at ang natitirang kalahati naman ay gingamit sa pagpoprodyus ng binhi.

Ayon kay Vasquez, maraming pagpipilian upang magtagumpay at maging kampeon sa pagsasaka. Kailangan lamang maging bukas ang isip sa pagtanggap ng makabagong teknolohiya at patuloy na paglinang sa kaalaman para sa mga programang pang-agrikultura.

At ang pinaka-mahalagang susi sa tagumpay ayon kay Vasquez, ay ang pagmamahal para sa sariling larangan. “Kapag mahal mo ang ginagawa mo at nagpursigi ka, sunod-sunod na ‘yan,” wika niya. Patricia P. Bernal

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s